Masarap ang sex.
Mahalaga na masarap ang sex upang gawin natin ito. Sa kasalukuyan, ito ang pinakamabisang paraan ng pagpapalaganap ng sangkatauhan (o ng anumang hayop na nakasalalay ang pag-iral sa sekswal na reproduksyon). Ang sex ay produkto ng napakahabang proseso ng ebolusyon. Sa madaling salita, ‘kumbaga sa sukang-paombong, pinasarap ito ng panahon.
Sa lahat ng mga nilalang, tanging tao lamang ang may kakayahang maki-pag sex kung kailan niya gustuhin. Karaniwan kasi, ang pagtatalik ay nagaganap lamang kung kainitan na ng babaeng hayop. Ito yung tinatawag na “oestrus period” o “period of sexual receptivity.” Kaya naman nakakakita tayo ng mga asong kalye na nagyayarian sa gitna ng kalsada: hindi kasi mapigilan ng babaeng aso (“bitch” sa wikang inggles) ang tawag ng kalikasan. Kumbaga panahon na iyon upang palaganapin ang kanilang lahi. At sa bawat henerasyon na nagiging bunga ng nasabing pisikal na ugnayan ay umuusad ang mabagal na proseso ng ebolusyon.
Iyon ang isa sa malaking pagkakaiba ng tao sa iba pang mga hayop. Kung sa kanila ay pwedeng “sex anywhere, but not anytime”, sa atin naman ay pwedeng “sex anytime, but not anywhere.” (Bagama’t may mga tao rin namang, anytime na ay anywhere pa. Sila yung tinatawag na mga walang kahihiyan.) Sa anggulo ng ebolusyon at natural na basehan ng moralidad (hindi iyong dikta ng anumang relihiyon kundi iyong moralidad na produkto ng daang siglong pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang pamayanan), walang masama sa sex kung ito ay sa pagitan ng dalawang nagkakaunawaang tao na nasa tamang gulang (consenting adults).
Mainam ang sex sa maraming bagay. Nakakatanggal ito ng stress (dahil sa nakakapag-pa-kalmang epekto ng hormone na oxytocin), nakakapagpalakas ng immune system (tumataas ang produksyon ng T-killer cells at hormone na endorphin tuwing orgasm), nakaka-relax ng katawan at nakakapagpagana ng antok (gamot sa insomnia), nakakabawas ng taba (bilang isang ehersisyo), nakakapagpaganda ng buhok at kutis (dahil sa pagtaas ng produksyon ng estrogens) at ayon sa ilang pag-aaral ay mabisang laban ang sex sa osteoporosis. Sa madaling salita, kapag ang isang tao ay nakikipag-sex, tumataas ang produksyon ng mga “feel-good” hormones sa kanyang katawan. (Kaya naman hindi nakapagtataka na marami ang na-a-adik sa sex. At ang tawag sa taong sobrang hilig sa sex ay manyakis.)
Sa mga Homo sapiens , ang produkto ng isang matagumpay na pagniniig ay ang pagbubuntis ng babae, na pagkatapos ng siyam na buwan ay ang paglabas ng isang maliit na tao (o minsan ay mahigit pa sa isa) na tinatawag rin namang sanggol. Maraming kabataang Pilipino ang tila ignorante sa nabanggit na proseso.
Sadya nga bang ganoon ka-ignorante ang maraming “nakaka-disgrasya” o “nadidisgrasya” na mga kabataan (tulad ko) at hindi nila naiisip na kapag sila ay nagniig ay maaaring may mabuong maliit na tao sa sinapupunan ni babae? Hindi naman siguro, sapagka’t marami dyang mga matatalino naman ang nauuwi rin sa nasabing kalagayan.
Sa aking palagay ay mayroon pang mas malalim na dahilan sa kasalukuyang epidemya ng “teen-age pregnancies” sa ating lipunan. Dito papasok ang mentalidad ng kabataang Pilipino ukol sa sex at ang kaakibat na patuloy na paghihirap ng ating bayan.
Ano nga ba ang kaugnayan ng pananaw sa sex ng mga Pilipino sa patuloy na paghihirap ng Pilipinas?
Katulad ng nabanggit na, ang sex, bilang produkto at pwersa ng ebolusyon ay nakatatak na sa ating katauhan. Sa madaling sabi, ito ay bahagi ng ating instinktwal na kabuuan. At dahil nga instinktwal, mababakas rin sa iba pa nating mga kilos kung paano natin ituring ito. Marami tayong mga desisyon sa buhay kung saan ang mga pang-malayuang bunga (long term consequences) ay isina-sakripisyo natin sa mga pang-malapitang tubo (short term gains). Merong naaangkop na halimbawa ang mga taga-Scandinavia ukol diyan sa pagiging “short-sighted” na mga kapasiyahan. Para daw iyang pag-ihi sa sariling salawal sa panahon ng tag-lamig upang maibsan ang pangangatog ng tuhod: sa umpisa ay kaaya-aya ang mainit na pakiramdam, subali’t pagkatapos noon ay nakakadiri at hindi kanais-nais na karanasan.
Makikita ang tinuran sa itaas sa mga patakaran sa maraming panig ng ating lipunan na naka-base sa mga malapitang tubo. Halimbawa ay ang pag-gamit ng dinamita sa pangingisda, o ang walang patumanggang pagkalbo ng ating mga kabundukan, o ang pag-gamit ng mga bawal na kemikal sa paghahayupan at sa kabukiran. Oo, malaki ang tubo ng mga nabanggit na mga pamamaraan sa malapit na hinaharap, nguni’t ano naman ang bunga nito sa malayong bukas?
Ganyan din kasi ang sex. Ang anumang pangamba sa hinaharap ay napakabilis malunod sa panandaliang sarap at aliw na dulot nito . Dahil nga napaka-instinktwal, pumapaibabaw ito sa ating rasyonal na kaisipan, na maging ang mga sinasabing matatalino ay nagmimistulang mga gago, ignorante at napapasailalim na lamang sa bugso ng kamunduhan. Kaya naman nararapat lamang na handa tayo sa mga ganitong pagkakataon. Kailangang alam natin ang mga tamang pamamaraan upang hindi mabuntis o makabuntis. (Iyon ay kung marami pa tayong ibang plano sa buhay na hindi nangangailangan niyong maliit na tao*).
Isang simpleng halimbawa ay ang pag-gamit ng kondom, na bagama’t hindi rin naman 100% na siguradong iwas-buntis ay nakakatulong sa mithiing tinuran, at kahit papaano rin ay nakakatulong sa pag-iwas sa mga nakakahawang sekswal na sakit. Ngunit dahil ang kamalayan ng sambayanang Pilipino ay pirming naka-ayon sa mga aral mula sa pulpito ng simbahan, ang simpleng pagbili ng kondom sa suking tindahan ay tinitingnan ng marami na parang isang krimen at tuloy ay kahiya-hiyang gawin.
Ito ang hindi naiintindihan ng mga relihiyosong institusyon sa Pilipinas. Para sa simbahan, ang tanging paraan upang masugpo ang epidemyang pagbubuntis ng ating mga kabataan ay ang pag-akay sa kanila sa “tamang daan.” Oo, sang-ayon ako dito. At kung isa ka sa mga relihiyoso na nasa “tamang daan” at sumusunod sa utos ng iyong simbahan patungkol sa kamunduhan ay malugod kitang binabati! Kung isa ka doon sa mga kayang maghintay ng sakramento ng kasal bago tikman ang tinatawag na “luto ng Diyos” (isa sa mga terminolohiyang bahagi ng maling pagtingin natin sa sex) ay saludo ako sa iyong paninindigan! Napakaganda nga sana kung marami sa ating mga kabataan ang tumatahak sa daang inihanda ng mga relihiyosong institusyon.
Subali’t ito ba ang realidad na nakikita natin sa kasalukuyan?
Ayon na rin sa ating pinag-aralan, noong 2005, tinatayang 40% ng isinilang, o katumbas ng 900,000 na bagong silang na sanggol ay kontribusyon ng mga kabataan sa gulang na 15-24 taon**. Sa aking munting bayan, tatlo sa apat na humaharap sa altar ay hindi dahil sa tunay silang nagmamahalan. Ito ay mga kabataan, ang iba pa nga ay hindi pa nakakapagtapos sa mataas na paaralan. Ganoon na lang ba talaga kawagas ang kanilang pagmamahalan at hindi na sila makapaghintay na makahanap ng sariling kabuhayan at bumukod muna mula sa kanilang mga magulang bago magpakasal at magsama ng habang-buhay?
Tama ang iyong hula: “Nadisgrasya si babae...”. At oo, iyan rin ang umiikot na bulungan sa labi ng mga tsismosong nakiki-saksi sa nasabing mga sakalan, este, kasalan. “Tingnan mo nga naman ‘yang dalaginding ni Aling Tikya, aba, eh, nasa loob pala ang kulo ng lintsak na bata ‘yan!” “Hindi man lang nakapagpigil...ga-gradweyt na sana sa Lyceum sa isang taon. Disinsana’y makahanap sya ng magandang trabaho at matustusan ang iba pang mga kapatid na nag-aaral.” “Tsk, tsk, tsk...saan naman kaya makikitira itong mag-asawa na ito eh yung pamilya ng kuya nya eh nakatira na rin sa kanilang mga magulang...” “Naku, pastor pa naman ang tatay. Baka sinusubok lang ni Lord...”
Ito ang trahedya ng maraming kabataang Pilipino sa kasalukuyan. Ang mga pangarap sa buhay ay naglalahong parang bula. Sa isang iglap ay mayroong isang sanggol kung saan ang buong buhay at kinabukasan ay nakasalalay sa kamay ng mga taong hindi lamang napigilan ang bugso ng kamunduhan. Subali’t masisi ba nating talaga ang kamunduhan ng ating mga kabataan? Hindi, sapagka’t tulad ng inilahad na ang sex ay bahagi ng katauhan at walang masama dito kung ito ay sa pagitan ng dalawang nagkakaunawaang indibidwal na nasa tamang gulang. At tayo rin naman ay hindi mga perpektong nilalang na walang kakayahang gumawa ng kamalian, hindi ba? Kailangan bang magbunga ng isang miserableng buhay ang isang “kamalian” (sa pananaw ng simbahan) na katulad ng “pre-marital sex”?
Sa aking palagay, ang sisi ay dapat ibunton sa kahirapan ng pagkuha sa mga tama at malinaw na gabay ukol sa mga alternatibong pamamaraan upang mapigilan ang pagbubuntis. Oo, wala namang nagbabawal upang bumili ang isang kabataan ng kondom mula sa kanyang suking tindahan, subali’t ang mentalidad ng marami (na halos eksklusibong bunga ng aral ng simbahan) ang nagpipigil upang lumaganap ang pag-gamit nito. Halimbawa, kapag ang isang babae ay nakitahan ng kondom, iisipin kaagad na siya ay maharot, o mas malala pa ay ituturing na isang puta. Nakakalungkot subali’t iyan ang totoo.
Sa Pilipinas, ang sex ay isang isyung bawal at hindi dapat tinatalakay, lalong-lalo na sa loob ng pamilya, kung saan mas mapapag-usapan sana ito nang may tamang gabay ng mga magulang. Hindi nakapagtataka na ang unang kaalaman ng isang teenager ukol sa sex ay puno ng kamalian at kabalbalan. Dahilan kung bakit ang pananaw nating mga Pilipino sa sex ay napakababaw pa, kabilang na ang maraming misteryo na ipinapalibot natin dito, katulad nga ng sinasabi na “luto ito ng Diyos”, na lalo lamang nakakadagdag ng kalituhan. At dahilan rin naman kung bakit ganoon ka-malisyoso ang marami sa atin kung ikukumpara sa ibang bansa na mas bukas at mulat ang lipunan ukol sa usaping sex.
Nakapanghihinayang ang maraming buhay na nasisira dahil sa hindi planadong pagbubuntis. Una, ay ang mga kabataang sa isang iglap ay biglang naging mga magulang. Nakakalungkot na maraming bagay bilang kabataan ang hindi na nila mararanasan dahil sa mga bagong responsibilidad na dulot ng maagang pagpapamilya. Pangalawa, ay ang ating mga magulang ito imbis na itutok na lang sana ang kanilang pagod sa pagpapabuti ng sariling kalagayan bilang paghahanda sa katandaan ay kailangan pa ngayong suportahan hindi lang ang mga anak, kundi pati na rin ang mga apo. At higit sa lahat na kaawa-awa ay ang kinabukasan ng sanggol na mamumulat sa isang kapaligiran na hindi lamang hikahos sa materyal na pangangailangan, kundi maging doon sa emosyonal na bahagi dahil sa masalimuot na kalakaran na dulot ng pilit na pagsasamahan ng dalawang taong hindi naman tiyak ang pag-iibigan.
Ang ganitong karanasan ng bawat henerasyon ng maraming pamilyang Pilipino ang tiyak na magtatali sa ating bayan sa kahirapang kanyang kinalulugmukan sa kasalukuyan. Nasa ating mga kabataang katulad ang kapangyarihan upang bumitaw sa nasabing paikot-ikot na pagdaloy ng kamalian.
###############
Tinatawag kong maliit na tao ang bunga ng sex upang bigyan ng bigat ang responsibilidad na naka-atang sa mga magulang ng indibidwal na ito. Ang mga sanggol ay mga nilalang na katulad rin nating may mga pangangailangan, dangan lang at hindi nila kayang ipahiwatig ang mga iyon sa atin.
